Pinakawalan ang walong Green sea turtle (Chelonia mydas) hatchlings sa Karagatang Pasipiko.
Ito ang unang batch ng mga napisa mula sa mga itlog na natuklasan noong Marso 24, 2025 sa Sitio Chamantad, Barangay Chavayan sa Sabtang, Batanes at ang mga itlog ay nadiskubre ng mga Park Rangers, ayon sa PENRO Batanes, kasunod ng ulat ng turista tungkol sa marine sea turtle tracks sa lugar.
Ang nesting site ay binabantayan 24/7 at patuloy na binabantayan upang agad na mailabas ang anumang napisa sa dagat.
Ikalima ang Sitio Chamantad sa natukoy na Green sea turtle nesting site sa Batanes. Ang iba pang apat na pugad ay ang Sitio Pahanebneban, Barangay Chanarian, Basco; Sitio Disbayangan, Barangay Hanib, Mahatao; Barangay Imnajbu, Uyugan; at Sitio Gitnalban, Barangay Radiwan, Ivana.
“Kami ay makikipag-ugnayan sa Pamahalaang Bayan ng Sabtang para sa posibleng pagdedeklara ng lugar bilang isang marine protected area.” ani Provincial Environment and Natural Resources (PENR) Officer Victoria Baliuag na nanguna sa pagpapalaya ng wildlife kasama ang iba pang opisyal at technical personnel ng PENRO.
Noong 2023, naglabas ang PENRO Batanes ng 74 Green sea turtle hatchlings na may nesting site na matatagpuan sa Sitio Gitnalban, Radiwan, Ivana.
Ang pagkakaroon ng nasabing mga pagong ay isang indicator ng isang malusog na marine ecosystem, ayon sa DENR.
Ayon sa Section 4 ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, nasa hurisdiksyon ng DENR ang mga species ng pagong na matatagpuan sa Pilipinas. Higit pa rito, ang Green sea turtle ay inuri bilang “Category B: Endangered (EN)” ayon sa DENR Administrative Order No. 2019-09.#