Tinangkang patayin ng isang 42-anyos na pastor ng simbahan ang umano’y 19-anyos na estudyanteng kalaguyo nito sa isang boarding house sa Patul Road, Purok 2, Brgy. Rosario, Santiago City.
Agad dinakip ang pastor, habang isinugod sa ospital ang biktima na 19-anyos at estudyante sa isang pribadong paaralan, ng mga kapitbahay at mga rescuer. Parehong residente ng Cauayan City ang suspek at ang biktima.
Una rito, nagising umano ang biktima at nakita ang suspek na nasa loob na ng kaniyang inuupahang kwarto. Hawak umano ng suspek ang wallet ng biktima na naglalaman ng mga ID, P20k na cash at ang mobile phone niya.
Nang makitang gising, sinugod ng suspek ang biktima at sinaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Nakasigaw ang biktima kaya naalerto ang mga kaboardmate nito at tumawag ng rescue, agad namang rumesponde ang Santiago City Rescue Team at dinala ang biktima sa Southern Isabela Medical Center (SIMC).
Nagsagawa ng pagsisiyasat at malalimang imbestigasyon sa lugar ang Santiago City Forensic Unit kaugnay sa pananaksak.
Ayon sa suspek, tinangka nitong patayin ang biktima dahil sa pagblackmail nito sa kanya na ipapakalat umano ng dalaga ang kanilang relasyon.
Samantala, wala pang pahayag ang biktima.
Isinampa ang kasong robbery with attempted homicide laban sa suspek na kasalukuyang nakakulong sa pasilidad ng Santiago City police office.#