Pormal na binuksan ang pinakabago at natatanging Interactive Musical Fountain sa sa bayan ng Lal-lo, Cagayan kagabi, Marso 15.
Ang pagtatayo sa naturang fountain ay hindi lamang isang mahalagang hakbang para sa lokal na pamahalaan nguni’t isa itong oportunidad upang mas makilala pa ang bayan at mapalakas ang turismo nito, ayon sa mga pinuno ng bayan.
Sa saliw ng mga tugtugin na kaiga-igaya, nagkakaisa na tila sumasayaw rin ang mga makukulay na mga tubig sa fountain.
“Kailangan din po ng ganitong project para sa turismo. Sigurado ako kapag nakita ito ng ibang mga tao, maraming pupunta. Maganda po ito para sa turismo. Napakarami pong tourism destination dito sa bayan ng Lal-lo…Ito po [fountain]ay hindi lang sa Munisipyo, pag-aari po natin lahat ito, alagaan po natin ito. Alagaan at bantayan po natin ito, dahil ito ay para sa kabutihan ng ating bayan,” ayon kay Mayor Florante Pascual.
Ang bagong atraksyon sa bayan ng Lal-lo ay hudyat ng pagbubukas ng mas marami pang oportunidad para sa kanilang nasasakupan kung kaya’t hinimok nito ang bawa’t isa na mahalin at tangkilikin ang iba’t ibang tourist attractions sa naturang bayan, ayon naman kay Bise Mayor Olivia Pascual.#