Timbog ang apat na college students matapos magsagawa ng drug raid ang mga otoridad na nagresulta sa pagkabuwag ng isang drug den sa Brgy. Centro 9, Tuguegarao City.
Ang naturang operasyon ay pinangunahan ng mga operatiba mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2 at PDEA Cagayan.
Agad na nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba base sa ulat kaugnay sa iligal na aktibidad ng mga hindi na pinangalanang suspek na itinuturing na mga High Value Target (HVT) individual.
Nagresulta ito sa pagkakakumpiska ng humigit kumulang anim na gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P40,920.
Nakuha rin sa lugar ang mga assorted drug paraphernalia, apat na units cellular phone, at ang ginamit na marked money.
Sa ngayon, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, binigyang diin naman ni Levy Ortiz, Director ng PDEA Region II na lalo pang tututukan at paiigtingin ng kanilang hanay ang paglaban sa kalakalan ng iligal na droga sa rehiyon.
“We are committed to doing everything we can to disrupt illegal drug problems in the region and to prevent the exploitation of the most vulnerable people in our communities,” pahayag ni Ortiz. #