Patuloy sa pamamahagi ng tulong pangkabuhayan ang Department of Labor and Employment (DOLE) – Quirino, katuwang ang 86th Infantry “Highlander” Battalion sa mga magsasaka ng Brgy. Alicia, Aglipay, Quirino noong ika-14 ng Marso sa taong kasalukuyan.

Nakatanggap ang Alicia Farmers Association ng mga gamit pang agrikultura na nagkakahalaga ng kalahating milyong piso bilang panimulang negosyo ng mga miyembro nito sa kanilang komunidad. Ang DOLE Quirino ay nakapag bigay na nang tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga nang 3.5 Milyong piso sa pitong Farmers Association o People’s Organization (POs) sa mga Barangays bilang bahagi ng Community Support Program (CSP) na inilunsad ng 86IB.

Matatandaan na taong 2020, ang CSP Team ng 86IB ang naging tulay sa pagbuo ng mga organisasyon ng mga magsasaka upang matuldokan ang kahirapan sa nasabing lugar.

Ang tulong na naihatid sa nasabing organisasyon ay lakip sa DOLE Integrated Livelihood Program (DILP-Kabuhayan Program) na naglalayong higit pang maiangat ang pamumuhay at maibahagi ang mga benepisyo, hindi lamang sa mga miyembro ng organisasyon kundi sa buong komunidad na kanilang nasasakopan.#