Ulat nina JESUSA ESTEBAN AT JUN CUNTAPAY

CITY OF ILAGAN, Isabela-Nahulog muli sa bitag ng mga awtoridad ang isang hinihinalang tulak ng droga makaraang masamsaman ng isang supot ng shabu sa buy-bust operation sa Purok 6, Villa Jesusa Subdivision, Bliss Village kanina (Sept. 14).

Kinilala ng pulisya  ang suspek na si Romeo Cabanos, nasa listahan ng high-value targets na paulit-ulit umanong nadakip at nakasuhan na pero nakakapagpiyansa dahil sa illegal umano na pagbebenta ng droga.

Nasamsam sa kanya ang isang supot ng hinihinalang shabu at P8,000 na pinambili, isa rito ay orihinal at ang pito ay boodle money.

Tumangging magsalita ang suspek nang kunan siya ng pahayag. Hindi niya inamin o itinanggi ang paratang na pagbebenta ng shabu.

Inihahanda na ngayon ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2020 o RA 9165 laban kay Cabanos.

Pansamantalang nasa kustodiya ng kapulisan ang suspek matapos siyang maidala sa ospital para sa medikal na pagsusuri.#