Sa paglabas ng Biosurveillance Report ng Department of Health (DOH) Central Office, University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC) at University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH), isa ang Rehiyon Dos sa may pinakamaraming bilang ng naitalang kaso ng Delta Variant kung saan, nakapagtala ng panibagong 52 na mga kaso. Ayon sa latest batch ng genome sequencing, ang buong bansa ay may 2,708 Delta cases, 2,448 Alpha cases at 2,725 Beta cases.
Ayon sa report na natanggap ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) mula sa Epidemiology Bureau (EB) ng Department of Health (DOH) Central Office, patuloy paring nakakapagtala ng Delta Variant ang apat na probinsya ng Lambak Cagayan maliban sa Batanes. Ang probinsya ng Cagayan ay may labing-dalawang (12) kaso na nagmula sa Alcala (3), Aparri (1), Baggao (4), Iguig (3), at Tuguegarao City (1). Ang Nueva Vizcaya ay may sampung (10) kaso mula sa Aritao (2), Bagabag (1), Bambang (1), Bayombong (4), Dupax del Norte (1) at Kasibu (1). Nagmula sa munisipalidad ng Aglipay (2), Cabarroguis (1), Diffun (3) at Maddela (2) ang mga kaso sa probinsya ng Quirino. Lahat ng mga naitalang kaso sa Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino ay mga local cases at lahat ay tagged as recovered o gumaling na mula sa sakit.
Ang probinsya ng Isabela ay may dalawampu’t dalawang (22) kaso mula sa City of Santiago (10), Jones (1), Quezon (1), Ramon (1), San Agustin (3), San Isidro (1), San Manuel (1), San Mateo (3) at Santo Tomas (1). Lahat ng kaso ng Isabela ay purong local cases at fully recovered narin maliban sa kaso ng San Isidro at isa sa San Mateo, na naitalang pumanaw mula sa sakit. Dagdag sa report na may isang returning overseas Filipino worker (ROF) na nagkasakit at gumaling mula sa COVID-19 Delta Variant na may permanent address sa Echague, Isabela.
Patuloy ang masusing case finding at contact tracing na isinasagawa ng Special Action Team (SAT) ng ating Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) at patuloy na magbibigaay ang Kagawaran ng Kalusugan ng karagdagang impormasyon kung kinakailangan.
Muling pinapa-alalahanan ng Kagawaran ng Kalusugan na panatilihin ang Minimum Public Health Standards (MPHS); dapat tama ang pag-suot ng face mask at face shield. Kung gamit ang cloth-mask, parati itong labhan ng sabon at tubig. Magsuot din ng mask sa bahay kung may kasama tayong matanda o kung may sakit. Mainam na may maayos at sapat na daloy ng hangin sa ating opisina at tahanan. Importanteng maging tapat sa impormasyong ibinibigay sa contact tracing upang masiguro na lahat ng maaaring nakasalamuha ay agad na matulungan at mapigilan ang iba pang pagkakahawahawaan. Piliing protektahan ang sarili at pamilya sa pamamagitan ng pagpapabakuna kontra COVID-19. (Courtesy of DOH-Region 2)