Ni: Jamaica Barbas
Matapos ang pakikibaka sa pamahalaan, ilang mga rebelde na sumuko sa pamahalaan ang masaya na nagbabagong-buhay kasama ang kanilang mga pamilya sa Happy Farm Ville sa loob ng kampo ng military sa 5th Infantry Division sa Gamu, Isabela.
Nag-aalaga sila ng mga manok, nagbabantay ng mga palaisdaan at may gulayan kasama ang kani-kanilang mga pamilya sa lugar.
Isa si Ka Rudy, di tunay na pangalan, sa nagbalik-loob at nasa bahagi na ng kampo.
Ayon sa kanya, dalawang beses na nahikayat siya na sumama sa grupo ng mga rebelde. Taong 1987 noong una siyang naging miyembro ng New People’s Army at sumurrender ito noong 1998. Inakala niya na magtutuloy-tuloy na ang kaniyang pagbabagong-buhay ngunit muli na namang nagulo ang kaniyang mundo nang pagbantaan siya ng mga rebelde na papaslangin kapag hindi ito babalik sa grupo.
Pagkalipas ng mahigit isang dekada ay napasama muli si Rudy sa grupo ng mga rebelde at naitalaga bilang Commanding Officer. Siya ang namamahala sa kabuhayan ng grupo at nangunguna tuwing may giyera. Ngunit tila hindi ito ang buhay na nais niya. Hindi raw ito ang buhay na ipinangako sa kaniya noong siya ay hinikayat ng mga tulisan.
Taong 2019, isa sa mga kasamahan ni Rudy ang nagbalik-loob sa gobyerno.
Kasama ng kaniyang pamilya, tumira si Rudy sa Happy Farm Ville – tahanan para sa mga nagbalik-loob sa gobyerno. Lugar kung saan maaari silang magsimula muli.
Mayroon silang tulong na natatanggap mula sa iba’t-ibang sangay ng Gobyerno, binigyan sila ng tahanan kung saan kapiling nila ang kanilang pamilya, pinagkalooban sila ng kabuhayan kagaya ng pagbabantay sa poultry para sa egg laying, fish pond at pagtatanim ng mais at mga gulay. Sa lugar na ito, mas maayos ang kanilang buhay, at dito, mapayapa na raw si Rudy. #