Sinampahan ng patung-patong na kaso ang isang negosyante kasunod ng pagkakasamsam ng baril, bala, at mga drug paraphernalia sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Macanaya, Aparri, Cagayan.
Kinilala ang suspek na si Alyas Macoy, 28-anyos, may asawa, at residente sa naturang lugar.
Matapos ang isinagawang monitoring at validation sa iligal na aktibidad ng suspek ay agad silang naglunsad ng operasyon laban sa kanya.
Sa bisa naman ng inilabas na search warrant ng korte ay matagumpay na hinalughog ng mga otoridad ang bahay ni Alyas Makoy. Nakumpiska sa loob ng bahay ng suspek ang isang caliber 38 na baril, iba’t ibang uri ng mga bala, mga residue ng hinihinalang shabu, at iba’t ibang mga drug paraphernalia.
Matapos ang paghalughog sa bahay ng suspek ay nakita naman ng mga otoridad sa compound ng kanyang bahay ang mga hindi dokumentadong tinistis na narra lumber na aabot sa 1,336 bdft. at nagkakahalaga ng mahigit P100,000.
Agad kinumpiska ng mga otoridad ang mga nakuhang ebidensya at sa ngayon ay sinampahan na si Alyas Makoy ng patung-patong na kasong paglaglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, at PD 705 o ang iligal na pangangahoy.#