CAMP MARCELO ADDURU, Tuguegarao City – Kulungan ang bagsak ng isang trenta’y nwebe anyos na barangay tanod sa Cumabao, Tumauini, Isabela dahil sa pag-iingat ng di-lisensyadong baril at droga. Kinilala ang suspek na si Belmar Barcelo, residente ng nasabing lugar.

Ayon sa ulat ng Tumauini PNP, humingi umano ng tulong ang panganay na anak ni Barcelo sa kanyang best friend na ireklamo ang kanyang tatay. Tuwing nalalasing umano si Barcelo, ginagamit niya ang kanyang baril upang takutin ang kanyang pamilya. Agad naman na nagpunta ang kaibigan nito sa Tumauini Police Station upang ireport ang kabalastugang ginagawa ng suspek sa kanyang pamilya na nagresulta sa paglabas ng search warrant laban sa kanya.

Habang isinasagawa ang search sa bahay ng suspek, nakumpiska sa kanya ang isang yunit ng caliber 45 pistol na walang serial number, isang magazine para sa nasabing kalibre ng baril na may pitong bala at karagdagang siyam na bala.

Nakuha rin sa kanya ang dalawang piraso ng transparent zip lock na naglalaman ng hinihinalang Marijuana na may timbang na 20 grams at nagkakahalaga ng Php 2,500, dahilan upang ang suspek ay makasuhan rin ng paglabag sa RA 9165.

Si Barcelo ay nasa kustodiya ngayon ng Tumauini Police Station para sa dokumentasyon sa kanyang mga kinakaharap na kaso.(Courtesy: PRO2)