Photos Courtesy: PNP-Region 2

Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City – Nadakip ang tatlong katao sa ikinasang entrapment operation ng Bayombong PNP at Regional Group of Special Concern sa Maharlika Highway, Purok 2, Bayombong, Nueva Vizcaya kagabi.

Naaresto ang mga suspek sa paglabag ng Republic Act 9208 o “Anti Trafficking in Persons Act of 2003” matapos matiklo ng isang operatibang nagpanggap na kostumer ang kanilang oilegal na gawain.

Ayon sa ulat ng Bayombong Police Station, ginawa umanong “sex den” ang isang bahay sa kung saan dumadayo ang mga parokyanong kalimitang mga residente rin ng nabanggit na lokalidad. Kinilala ang mga suspek na sina Paul Butal Jr., 47 anyos, drayber, residente ng Osmeña, Solano, Nueva Vizcaya; Jualita Morales, 40 anyos, businesswoman, residente ng Dita, Sta. Rosa, Laguna; at Ashley Santos, 20 anyos, residente ng Tangos South, Navotas City.

Tatlong biktima ang na-rescue sa nabanggit na operasyon kung saan dalawa sa mga ito ay mula sa Aparri, Cagayan at ang isa naman ay residente ng lungsod ng Santiago.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong One Thousand Peso bill na marked money; dalawa pang piraso ng genuine One Thousand Peso bill na pinaniniwalaang proceeds mula sa kanilang ilegal na transaksyon; isang record book; at puting Toyota Hi-Ace Van. #