Nahalal bilang bagong National President ng Liga ng mga Barangay (LnB) si Maria Katrina Jessica G. Dy na kasalukuyang Liga ng mga Barangay Federation President ng Echague, Isabela.

Nakakuha si Dy ng 107 votes (96.40%) sa naganap na National and Regional Elections Liga ng mga Barangay sa Pilipinas na ginanap sa The Manila Hotel, One Rizal Park, Ermita Manila nitong Lunes, Marso, 18, 2024. Siiya ang pangalawang Isabeleño na magsisilbi bilang LnB President ng bansa.

Kasalukuyan siyang Pangulo ng LnB-Isabela Chapter at ex-officio member ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela.
Nagpasalamat sj Dy sa lahat ng sumuporta at nanalangin para sa kanyang tagumpay kung saan ay iniaalay umano niya ito sa probinsya ng Isabela.

“Gusto ko pong magpasalamat sa lahat ng sumuporta sa akin, lalo sa mga nagdasal para sa eleksiyon. Nakatataba ng puso. Ang victory na ito ay not just for me, but for the whole Province of Isabela,” saad ni Dy.

Nangako naman si Dy na paiigtingin nito ang magandang ugnayan ng 42,000 barangays sa buong bansa at magiging tulay upang maibaba ang mga serbisyo at programa ng gobyerno sa publiko. Bilang bagong halal na LnB President ng bansa ay kabilang sa mga tututukan nito ay ang kanyang adbokasiya kaugnay sa pangangalaga sa mga karapatan at kapakanan kababaihan at kabataan sa bawat barangay.


“One of the main things that I want to implement sa mga barangay ay yung advocacy natin for women and children’s protection. ‘Yan po ang ilang taon ko nang pinaglalaban. Mahigit 12,000 na ang active women members ng organization at meron po tayong women center that provides free services for abused women and children. It caters to the whole Region 2,” ayon pa sa kanya.#