Arestado ang limang katao na kinabibilangan ng dalawang menor de edad matapos maaktuhang humihithit ng hinihinalang shabu sa Brgy. Pussian, Alcala, Cagayan.
Ayon kay PMAJ George Maribbay, hepe ng PNP Alcala, matagal na minanmaman ng mga operatiba ang iligal na aktibidad ng suspek na si Alyas Kiko, 23 anyos, estudyante at residente sa nasabing bayan.
Kaugnay rito, naglabas aniya ng search warrant ang korte laban sa suspek at nang isilbi ng mga otoridad ay nahuli rin sa lugar ang apat na kasamahan nito na sina alyas Vin, 38-anyos, alyas Moy, 29-anyos na kapwa residente sa bayan ng Gattaran kasama sina alyas Benigno, 17-anyos na residente ng Alcala, at si alyas Romnick, 16 taong gulang na residente rin sa bayan Gattaran, Cagayan.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakakumpiska ng tatlong maliliit na plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang medium size plastic sachet ng hinihinalang shabu, at dalawang malalaking square size sachet na naglalaman din ng hinihinalang shabu at ito umano ay nagkakahalaga na P102,000.
Sinabi pa ni Maribbay na bukod sa mga ito ay nakita rin ang iba’t ibang mga drug paraphernalia sa lugar kung saan nadatnang nag-pot session ang mga suspek.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek habang hinihintay rin nila ang magiging desisyon ng korte para sa kaukulang disposisyon sa mga menor de edad bago ipasakamay sa mga nakakasakop na Municipal Social Welfare and Development (MSWD) Office.#