(Mga larawan mula sa Pamilya Roces)

By Balitang Hilaga

Nagluluksa ngayong ang pinilakang-tabing dahil sa pagpanaw kagabi ng tinaguriang Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Susan Roces, 80 anyos.

Kinumpirma ni Senador Grace Poe kagabi ang pagpanaw ng kaniyang ina.

Si Roces ay isa sa mga itinuturing na haligi ng pelikulang Pilipino at asawa ng namayapang aktor na si Fernando Poe Jr. na tinagurian namang Hari ng mga Pelikulang Pilipino.

Sa kaniyang mensahe sa social media, sinabi ni Senador Grace Poe na namayapa ang kaniyang ina na napapaligiran ng pagmamahal kasama siya, mga pamangkin na sina Joseph at Jeffrey at marami sa mga miyembro ng kanilang pamilya at malalapit na kaibigan.

Bumuhos sa social media ang pakikiramay at panalangin ng mga kapwa artista ng beteranang aktres gayundin ng mga netizens. Si Roces na ang tunay na pangalan ay Jesusa Sonora-Poe ay isinilang noong Hulyo 28, 1941 sa Bacolod.

Nagsimula sa kanyang acting career noong 1952 at pumatok ang pelikulang “Mga Bituin ng Kinabukasan” at mula noon ay tinagurian siyang Reyna ng mga Pelikulang Pilipino.

Kabilang sa napakaraming pelikulang ginawa ni Susan ay ang “Perlas ng Silangan,” kasama si FPJ noong 1969 at “Daigdig ko’y Ikaw” noong 1965. Kasama rin si Roces sa kasalukuyang teleserye ni Coco Martin.#