Naaresto na ang drayber na sangkot sa Hit and Run sa Bayombong Nueva Vizcaya

Camp Marcelo Adduru, Tuguegarao City- Nakorner ng PRO2 ang drayber suspekĀ  na nakasagasa at nakapatay sa isang construction worker sa Bayombong, Nueva Vizcaya noong araw biyernes.

Hindi nakalusot sa checkpoint ng Diadi Police Station ang noon ay tumatakas na suspek na si Mark Gil Onaliban Miranda, 41 anyos, residente ng Bauan East, Solana, Cagayan ilang oras pagkatapos ng aksidenteng kinasangkutan nito.

Napag alaman sa ulat ng PNP Bayombong na dakong alas 10:30 ng gabi noong July 29, 2022, binabagtas ng suspek ang National Highway, Brgy Magsaysay gamit ang isang SUV na may plakang ABG-2163 nang aksidente nitong mabundol ang naglalakad na biktimang si Julie Pasion, 45 anyos sa harap ng isang gasoline station sa nasabing lugar. Tumilapon ang biktima ng humigit kumulang sa dalawampung metro ang layo dahil sa lakas ng impact ng aksidente. Nagtamo ito ng mga sugat at galos sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan. Kaagad naman itong isinugod sa isang clinic doon ngunit idineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor.

Mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide ang suspek na sa ngayon ay nasa pag-iingat parin ng PNP Bayombong, Nueva Vizcaya.

#