Patuloy na nararanasan ang hanging Amihan sa Lambak ng Cagayan na nagdadala ng maulap na kalangitan na may pag-ulan ngayong linggo.


Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posibleng hanggang bukas, Marso 22, 2024 na lamang mararamdaman ang bugso ng Amihan dahil bahagya na itong humihina.

Ayon sa PAGASA, posibleng sa weekend ay makararanas na ng mainit na temperatura ang malaking bahagi ng bansa kasama na ang Isabela at Cagayan.


Nakataas din ang Gale warning sa mga baybayin ng Cagayan kasama na ang Babuyan islands maging sa Isabela, Batanes, at Ilocos Norte dulot ng Amihan.

Nasa 2.8 hanggang 4.5 meters ang taas ng alon na delikado para sa mga maglalayag kaya pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na iwasan munang pumalaot.#