Photos Courtesy: PNP PRO2

Camp Marcelo Adduru, Tuguegarao City Mahigit isandaang libong piso ang tinatayang halaga ng hinihinalang “Shabu at Marijuana” ang nakumpiska mula sa isang tricycle driver sa anti-illegal drug buy-bust operation ng PNP at PDEA sa Dumlao Road, Purok 3, Magsaysay, Bayombong, Nueva Vizcaya kahapon.

Ang suspek na si Marlon Agustin o mas kilala sa alyas na “Jr Bata” , 49-anyos at residente ng nasabing lugar ay nahuli sa akto ng pagbebenta ng hinihinalang “Shabu” na nasa Php4,760.00 ang halaga sa isang operatibang nagpanggap na poseur buyer.

Narekober rin sa pag-iingat ng suspek ang isang piraso ng “tubular compact dried marijuana leaves” na humigit kumulang 800 na gramo at nagkakahalaga ng Php 96,000.00; dalawa pang pakete na naglalaman ng sampung gramo ng tuyong dahon ng Marijuana na Php1,200.00 naman ang halaga at ilang personal na kagamitan.

Si Agustin ay kasalukuyang nakakulong sa Bayombong Police Station at nahaharap sa kasong paglabag ng Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o pag-iingat at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. (PNP PRO2 PR)