Camp Marcelo Adduru, Tuguegarao City – Nahulog sa kamay ng mga otoridad ang isang Online Teacher dahil sa patung-patong na kaso ng pagnanakaw sa lungsod ng Cauayan, Isabela kamakailan.
Kinilala ang suspek na si Rlynn Marchan, 33-anyos, Online Teacher at residenteng Brgy. San Lorenzo Marabulig sa nabanggit na lungsod.
Walumpu’t siyam na bilang ng kasong Qualified Theft in relation to R.A. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 kung saan Ph120,000.00 ang inirekomendang piyansa sa 83 na bilang ng pagnanakaw at Php90,000.00 sa karagdagang 6 na bilang.
Nadakip si Marchan sa bisa ng mandamiyento de aresto na inilabas ni Hon. Karen Matti Sy, Presiding Judge, National Capital Region, Regional Trial Court, Branch 145, Makati City noong ika-15 ng Pebrero taong kasalukuyan.
Ayon sa paunang pagsisiyasat ng Cauayan PNP, ang kumpanyang dating pinapasukan ng suspek ang nagsampa ng kaso laban rito. Inaalam pa ng mga otoridad kung magkano ang kabuuang halagang natangay ni Marchan mula sa nasabing kumpanya.
Ang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa himpilan ng pulisya sa lungsod ng Cauayan.
Samantala, ang nasa likod ng matagumpay na operasyon ay ang Isabela Provincial Field Unit-Criminal Investigation and Detection Group (PFU-CIDG), Regional Field Unit (RFU) at Cauayan City Police Station. (PNP PRO2 PR)