Hiling ng mga Isabeleno na bumaba ang presyo ng mga bilihin lalong-lalo na ang bigas

Pagbaba ng presyo ng bilihin lalong-lalo na ng bigas ang pangunahing hiling ng mga Isabeleno sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Sana po maibaba ang presyo ng mga bilihin lalong-lalo na po ‘yung mga groceries tulad ng asukal kasi tumaas na po ngayon lalong-lalo na po yung bigas”, ani Dina Talosig, 28, residente ng Santo Tomas, Isabela.

Nais din ng mga Isabeleno na matupad ni Pangulong Marcos ang lahat ng kaniyang mga ipinangako sa taumbayan noong ito ay nangangampanya pa lamang. Ayon kay Anicia Lopez, 73, Kagawad ng Barangay San Vicente, Ilagan City, dapat tuparin ni Pangulong Marcos ang kaniyang mga pangako upang walang masabi ang mga Pilipino.

Samantala, daing ng karamihan, hindi sapat ang kanilang kinikita para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya, kaya nanawagan ang mga ito kay Pangulong Marcos na pataasin ang sahod ng mga empleyado.