Ni: Ma. Carla Natividad
Ang bawat palayok ay may kani-kaniyang kwento sa likod ng bawat disenyo. Nagsisimula ito sa kagalakan ng paglikha sa pamamagitan ng kamay na nagpapanatili sa kanila na ipagpatuloy ang pagpapalayok.
Si Nanay Maria Saquing, 55 taong gulang, mula sa Santa Maria, Isabela. Nagsimula ang kanyang pottery business noong siya ay 20 taong gulang pa lamang. Dahil sa kahirapan hindi nakapagtapos si Nanay Maria, hanggang ika-4 na baitang lamang siya kung kaya’t siya ay nagsumikap na itayo ang kanyang negosyo sa palayok.
Gaya nga ng sinabi ni Nanay Maria, halos lahat ng kanyang anak ay nakapagtapos na sa kolehiyo. Ibinahagi niya kung gaano kahirap ang buhay at may araw na hindi sila kumakain dahil wala silang bigas. At iyon ang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob na magsikap pa sa negosyo ng palayok.
Ibinahagi ni Nanay Maria ang mga tagumpay at kabiguan sa negosyo ng palayok. Ibinahagi rin niya ang kuwento tungkol sa kung paanong ang kanyang isang anak ay walang makain ngunit matiyaga pa ring pumasok sa paaralan noong araw na iyon. Ibinahagi niya ang mga hamong ito nang may luha sa kanyang mga mata. Ayon pa kay nanay, basta may pananalig sa Diyos at pagkakaroon ng lakas ng loob malalagpasan ang lahat ng hamon sa buhay.
Ngayon, patuloy pa rin sa paggawa ng mga paso si Nanay Maria. Sinabi niya na ang kinikita nila ay nakasalalay lamang sa panahon. Kung minsan sila ay kumikita ng malaki at kung minsan ay matumal. Ngunit sinabi niya na hindi siya nagtatanim ng sama ng loob sa kanilang kalagayan. Sa halip, nagkaroon pa siya ng pag-asa at patuloy na nagsisikap para sa darating pang hamon ng buhay.